LABAN NI DODIE, JR GAGANAPIN SA CALOOCAN
January 26, 2012
Inaanyayahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang mga residente ng lungsod na paroorin ang bakbakan nina Dodie Boy Peñalosa, Jr. at ng kalaban nitong si Super James Singmanasak ng Thailand na gaganapin sa lungsod sa darating na Sabado (January 28).
Ayon kay Mayor Echiverri, libreng mapapanood ang laban nina Peñalosa at Singmanasak na gaganapin sa Recom Dome sa Barangay 179, Amparo, Caloocan City na magsisimula dakong alas 6:00 ng gabi.
Nagpasalamat din ang alkalde sa GMA network dahil sa pakikipagtulungan nito upang mapanood sa telebisyon ang laban nina Peñalosa at Singmanasak kung saan ay tumatayong promoter ang dating boksingerong si Gerry Peñalosa.
Bukod kina Peñalosa at Singmanasak ay maglalaban din sina Gerry Pateno at Jay Barleo; Raymond Empic at Llaminado Besmanos; Rex Tso at Mabert Paulino; Aldrin Guara at Larry Abarra; Dave Peñalosa at Raymond Colambot; Albert Gonzales at Sonny Katiangdagho; Derek Rabang at Gerald Cortez; Renren Tesorio at Roy Albaera; Karlo Quinto at Mark Joseph Costa; Michael Farinas at Robert Rubillar; Sonny Boy Jaro at Samuel Apuya; Rey Perez at Marvin Mabait.
Sinabi pa ni Mayor Recom na ang laban nina Peñalosa at Singmasanak ay bahagi ng programa ng Caloocan City sa nalalapit na pagdiriwang ng 50th year anniversary o golden year ng pagkakatatag ng lungsod.
“Ang laban na ito ay handog natin sa mga residente ng ating lungsod kaya’t inaanyayahan natin ang ating mga kababayan na mahilig sa larong boksing na panoorin ang bakbakan ng ating pambatong si Peñalosa at Singmanasak na mapapanood ng libre”, sabi ni Mayor Echiverri.
Kaugnay nito, magpapakalat naman ng pulisya si Caloocan City chief of police, Sr. Supt. Jude Wilson Santos sa paligid ng paggaganap ng bakbakan nina Peñalosa at Singmanasak nang sa gayon ay masiguro ang kaligtasan ng mga taong manonood.
Tutulong din sa pagpapanatili ng kaayusan ang mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) at ang mga barangay tanod base na rin sa pakikipag-ugnayan ni Councilor RJ sa mga opisyal ng barangay sa pagdarausan ng laban.
Copyright © 2011 Caloocan City Government. All Rights Reserved.
Developed by Marvill Web Development | Concept - Design - Create